
Direktang nakikinabang ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante sa Kadiwa ng Pangulo na ginanap sa San Antonio Cultural and Sports Center. Layunin ng programa na alisin ang middleman sa bentahan upang mas mataas ang kita ng mga nagtitinda at mas mura ang bilihin para sa mamimili.
Ayon kay Nariet Murillo, isang magsasaka, malaki ang naitutulong ng Kadiwa sa kanilang kabuhayan dahil mas madali nilang naibebenta ang kanilang ani sa tamang presyo.
Bukod sa mga magsasaka, nakikinabang din ang maliliit na negosyante na may sariling produkto tulad ng prutas, gulay, at iba pang pangunahing bilihin. Dahil sa mas mababang gastos sa pagbebenta, mas marami silang naibebenta at lumalawak ang kanilang merkado.
Ayon naman kay Cristine Dauz, isa sa mga mamimili, mas pinipili nilang bumili sa Kadiwa dahil mas mura at siguradong sariwa ang produkto.
Kasabay ng Kadiwa ng Pangulo, isinagawa rin ang ika-16 na Diskwento Caravan, kung saan mas marami pang produktong mabibili sa mas mababang halaga.
Patuloy na isinusulong ng administrasyon ang programa upang palakasin ang sektor ng agrikultura at mapabuti ang kita ng maliliit na negosyante.
Dahil sa matagumpay na unang Kadiwa sa San Antonio, may posibilidad na palawakin pa ito sa iba pang bayan upang mas maraming Pilipino ang makinabang.