
Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na palakasin ang pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS) upang mas maraming mag-aaral ang makatapos sa programa.
Batay sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), umaabot sa 600,000 ang taunang average na enrollment sa ALS, ngunit nananatili ang mababang completion rate.
Para sa School Year 2023-2024, 302,807 o 46.2% lamang sa 655,517 na ALS learners ang nakapagtapos ng programa.
Ayon sa pag-aaral ng UNICEF noong 2021, ilan sa mga pangunahing dahilan ng mataas na dropout rate sa ALS ay ang kakulangan sa suporta sa pananalapi, ang pangangailangang magtrabaho, at ang kawalan ng interes ng mga mag-aaral.
Iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapalakas ng guidance at counseling programs upang matulungan ang mga mag-aaral na manatili sa ALS.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbibigay-alam sa mga estudyante tungkol sa mga oportunidad na maaari nilang makuha matapos nilang matapos ang programa.
Ayon kay Gatchalian, ang ALS ay isang mahalagang pangalawang pagkakataon sa edukasyon para sa mga hindi nakapagtapos sa tradisyunal na paaralan.
Sa bisa ng “Alternative Learning System Act” o Republic Act No. 11510, pinalakas at pinalawak ang saklaw ng ALS upang maabot ang mga out-of-school children in special cases, adult learners, at indigenous peoples.
Sakop ng ALS ang mga batang may kapansanan, mga nasa conflict with the law, at mga kabataang apektado ng sakuna.
Ibinunyag din ng EDCOM II na bagama’t naisabatas ang ALS noong 2020, hindi pa nailalabas ang mga mahahalagang pamantayan sa pagpapatupad nito.
Kabilang sa mga hindi pa naisasakatuparan ang guidelines para matulungan ang mga local government units sa paggamit ng Special Education Fund (SEF).
Hindi pa rin inilalabas ang revenue regulations na magbibigay ng tax incentives sa mga pribadong sektor na nais tumulong sa ALS.
Dagdag pa rito, hindi pa rin naglalabas ng guidelines para sa accreditation ng mga pribadong ALS providers.
Ayon kay Gatchalian, hindi dapat masayang ang mga pagkakataong ibinibigay ng ALS sa mga kababayan nating nais ipagpatuloy ang kanilang edukasyon.